PCG, naglabas ng paalala sa mga pasahero na bibiyahe ngayong Semana Santa
Kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan, naglabas ngayon ng paalala ang Philippine Coast Guard (PCG).
Para sa mga maglalakbay sa karagatan, sinabi ng PCG na dapat alamin ang kalagayan ng panahon sa pagbiyahe upang maiwasan ang pagkaantala.
Inanyayahan nila ang publiko na bumisita sa website ng PAGASA para sa weather advisory at makipag-ugnayan o tumawag sa pinakamalapit na Coast Guard Units sa kanilang lugar.
Pinayuhan din nila ang mga babiyahe na alamin ang tunay na kapasidad ng barko o bangkang sasakyan bago bumili ng tiket.
Para iwas naman sa pagkaligaw, sinabi ng PCG na dapat ugaliing isulat ang tunay na pangalan, edad, tirahan, kasarian at destinasyon sa talaan ng mga pasahero (Passenger Manifest) kasama ang mga sanggol at bata.
Dagdag pa ng ahensya, sumakay lamang sa legal o awtorisadong bangkang pampasahero at laging isuot ang mga lifejackets.
Nabatid na naglunsad ang PCG ng Oplan Ligtas Biyahe ngayong Semana Santa kung saan kagabi mahigit 71,000 na ang nairehistro nilang outbound passenger.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.