Linggo ng Palaspas, ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika ngayong araw
Ginugunita ng Simbahang Katolika ngayong araw ang matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem bago ang kanyang pagpapakasakit sa kalbaryo.
Ito ang tinatawag na ‘Palm Sunday’ o Linggo ng Palaspas na batay sa kalendaryong liturhikal ay ipinagdiriwang ng Simbahan isang linggo bago ang Easter Sunday at hudyat ng pagpasok ng Semana Santa.
Tinawag itong Linggo ng Palaspas dahil sa mga sanga at dahon ng palma na inilatag ng mga tao sa daraanan ni Hesus habang nakasakay sa isang asno papasok ng Jerusalem.
Tradisyunal na dumadalo mga Katoliko sa banal na Eukaristiya dala-dala ang kanilang mga palaspas na kanilang iwinawagayway habang binebendisyunan ng pari bago magsimula ang misa.
Kasabay nito ay inaawit ang ‘Osana sa anak ni David’ na ang liriko ay batay sa Mabuting Balita ni San Mateo na simbolo ng pagpupuri ng sambayanan sa matagumpay na pagpasok ng tagapagligtas.
Batay sa aral ng Simbahan, ang Linggo ng Palaspas ay sumisimbolo sa taus-pusong pagtanggap kay Hesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.
Ang pagwagayway sa palaspas ay simbolo rin ng pagwagayway ng mga mananampalataya sa kanilang mga buhay bilang pagtalima sa kalooban ng Diyos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.