2-Milyong mga botante target ng huling hirit biometrics campaign ng Comelec
Dahil marami pa rin ang hindi pa nagpaparehistro para makaboto sa National and Local Elections sa 2016 kaya maglulunsad ang Comelec ng “Huling Hirit” campaign.
Iyan ay para hikayatin ang mga botante na magparehistro o magpavalidate ng kanilang biometrics bago magtapos ang voters registration na nakatakda sa October 31.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ang “Huling Hirit” campaign ay ilulunsad mula October 17 to 31 sakto sa dalawang huling linggo ng voters’ registration.
Batay sa pinakahuling tala ng Comelec, aabot pa sa dalawang milyong mga botante ang kinakailangang sumailalim sa biometrics validation.
Pinakamarami umano sa mga kailangan pang dumaan sa pagkuha ng biometrics ay mula sa Region 4-A, Region 4-B, NCR, Region 3, Region 5, Region 7 at Region 9.
Pinag-aaralan na ng Comelec na gawing labing dalawang oras kada araw sa loob ng dalawang linggo ang voters registration at validation para mas marami ang kanilang mapaglingkuran na mga botante.
Maging araw ng Sabado at Linggo sa dalawang huling linggo ng Oktubre ay ilalaan para sa mga magpapatalang mga botante at magpoproseso ng validation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.