Quo warranto petition vs Sereno, ipinababasura ng Makabayan Bloc sa Korte Suprema
Ipinababasura ng Makabayan bloc sa kamara ang qou warranto petition na isinampa sa Korte Suprema laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Naghain din ang grupo ng motion for intervention para mapayagan silang makasali sa isyu at kabilang sa mga naghain ng petisyon sina Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate; ACT Teachers Party List Representatives Antonio Tinio at Francisca Castro; Gabriela Representative Emmy de Jesus at Arlene Brosas; Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao at Kabataan Party List Representative Sarah Jane Elago.
Sumama rin sa paghahain ng mosyon sina Dating Senador Rene Saguisag at Bishop Broderick Pabillo.
Anila nang dahil sa quo warranto petition, napagkakaitan sila ng kanilang constitutional right na magpasya sa kasasapitan ng impeachment complaint laban kay Sereno sa Kamara de Representantes.
Isinulong naman ng iba pang intervenor ang mosyon dahil bilang mga taxpayer, mahalaga umano na marinig ng Kongreso ang kanilang pananaw sa impeachment process.
Kalakip ng mosyon ay nagsumite ang mga intervenor ng opposition o pagtutol sa quo warranto petition.
Para sa kanila, si Sereno ay maari lamang na mapatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment at tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan na alisin ang punong mahistrado.
Hindi rin umano dapat na ikabit sa isyu ng integridad ang umano’y kabiguan ni Sereno na magsumite ng kumpletong Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN sa Judicial and Bar Council.
Hindi rin umano absolute requirement sa ilalim ng 1987 Constitution ang pagsusumite ng SALN ng aplikante para sa bakanteng posisyon sa Korte Suprema.
Dahil dito, dapat lamang anila na mabasura ang quo warranto petition laban kay Sereno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.