SOJ Aguirre, pinagpapasan ng krus ngayong Semana Santa
Magpasan ka ng krus ngayong Semana Santa.
Ito ang naging payo ni Albay Congressman Edcel Lagman kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil sa kabulastugan na pinaggagawa nito sa kanyang departmento.
Partikular na tinutukoy ni Lagman ang ginagawang pagpapasya ni Aguirre na ipasok sa Provisionary Witness Protection Program si Janet Lim Napoles na itinuturong mastermind sa pinakamalaking pork barrel scam sa bansa pati na ang ginawang pagbasura ng National Prosecution Service sa drug trafficking case laban kay self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at hinihinalang drug lord na si Peter Co.
” Mag-pasan ka ng krus ngayong Semana Santa parang penetensya niya dahil sa mga kabulastugan na ginagawa dito sa kanyang departamento.” – pahayag ni Lagman.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lagman, dapat nang iurong ni Aguirre ang hakbang na ipasok sa WPP si Napoles dahil hindi ito justified.
Hindi aniya kayang palabasin na si Napoles ang least guilty sa pork barrel scam dahil malinaw na siya ang mastermind sa pagkawala ng P6 bilyong pondo ng mga mambabatas.
Iginiit pa ni Lagman na dapat matutong umurong ang isang cabinet member kagaya ni Aguirrre kung batid nitong mali na ang ginagawang hakbang.
Hindi na rin aniya dapat na maghugas ng kamay si Aguirre kagaya ni Pontio Pilato at harapin na lamang ang mga problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.