Pagsasampa ng kaso laban kay Lope Jimenez kaugnay sa Ruby Rose Barrameda murder case, kinatigan ng CA
Sinang-ayunan ng Court of Appeals ang nauna nang desisyon ng Department of Justice na isulong ang pagsasampa ng reklamong murder sa negosyanteng si Lope Jimenez dahil sa pagkakasangkot sa Ruby Rose Barrameda case noong 2007.
Sa desisyon ng CA Fourth Division, ibinasura nito ang petition for certiorari ng panig ni Jimenez na nagsasabing nagkamali si Justice Secretary Leila de Lima nang isama siya sa listahan ng mga akusado sa pagpatay kay Barrameda na asawa ng kanyang pamangkin na si Manuel III o ‘Third’ Jimenez.
Paliwanag ng korte, may sapat na basehan para sampahan ng kaso ang mga personalidad na binanggit ng nagsilbing state witness sa kaso na si Manuel Montero kaya’t nararapat lamang na isulong ang reklamo sa korte.
Una nang iginiit ng panig ni Lope na hindi dapat paniwalaan ang mga pahayag ng state witness na si Montero dahil maituturing na isa itong ‘polluted source’ dahil matapos magbigay ng kanyang unang testimonya, ay binawi rin ito ni Montero kalaunan.
Ang kaso ni Ruby Rose Barrameda ay naging kontrobersyal makaraang mawala ito noong Marso 2007.
Gayunman, makalipas ang dalawang taon, lumutang ang witness na si Manuel Montero at inamin na kanilang itinapon ang bangkay nito na nakasilid sa isang sinementuhang drum at itinapon sa ilog sa Navotas City sa utos na rin ng pamilya Jimenez.
Bukod kay Lope, dawit din sa kasong pagpatay ang mga suspek na sina Manuel Jr., Manuel III o Third na asawa ni Ruby Rose, at iba pang mga suspek na sina Eric Fernandez, Lennard Descalzo, Robert Ponce at si Montero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.