(Breaking) Umakyat na sa sampu katao ang sinasabing patay makaraang bumagsak ang isang Piper PA-23 Apache light aircraft sa bayan ng Plaridel, Bulacan.
Kabilang sa mga namatay ay ang limang na sakay ng bumagsak na eroplano at ang limang miyembro ng pamilya Dela Rosa na nakatira sa bahay na kinabagsakan ng nasabing Piper Apache plane.
Sa inisyal na report na nakarating sa Civil Aviation Authority of the Philippines, pasado alas-onse ng umaga kanina nang bumagsak ang eroplano sa ilang kabahayan sa Barangay Lumang Bayan sa Plaridel, Bulacan.
Sinasabi sa mga ulat na may ilang mga sugatan na rin ang kasalukuyang ginagamot sa mga kalapit na ospital.
Kaagad na nagliyab ang eroplano nang bumagsak ito sa ilang mga bahay ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection sa lalawigan ng Bulacan.
Nagpadala na ng mga imbestigador ang CAAP sa lugar para alamin ang dahilan ng nasabing aksidente.
Habang iniimbestigahan ang pangyayari ay grounded muna ang operasyon ng Lite Air Express na siyang may-ari ng nasabing light aircraft.
Papunta sana sa Laoag City ang nasabing eroplano nang ito ay bumagsak ilang sandali makaraan itong mag-take off mula sa Plaridel Aiport.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.