Batang nabakunahan ng Dengvaxia at nasawi noong Nobyembre, ika-37 sa mga nasuri ng PAO
Isa na namang bata na nabakunahan ng anti-dengue vaccine ang posibleng nasawi dahil sa nasabing bakuna.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta, ang nasabing bata ay nasawi noong November 23 sa San Lazaro Hospital sa Maynila at noong Huwebes lamang, March 15 nang isailalim sa autopsy ng PAO.
Gaya ng iba pa na naisailalim ng PAO sa autopsy, pareho din ang dinanas ng bata, nagkaroon ito ng organ enlargement at pagdurugo sa kaniyang utak at baga.
“Sumakit ang ulo three days before namatay, dinala sa San Lazaro, pagdating sa San Lazaro ng gabi, kinabukasan patay yung bata. Binuksan kahapon, ito ay nangyari November ha, November 23 siya namatay, November 22 dinala siya sa San Lazaro, ani Acosta.
Ang nasabing bata ay unang naturukan ng Dengvaxia noong March 2016 at nasundan pa ito ng ikalawa at ikatlong dose.
Sinabi ni Acosta na sa 37 kaso ng pagkasawi na kanilang naisailalim sa autopsiya, 35 ay pawang zero negative o hindi pa nagkaka-dengue nang tumanggap ng bakuna habang dalawa naman ang nagkasakit na ng dengue nang tumanggap ng bakuna.
“37 na ito na na-exam pare-pareho ng signs and symptoms bago namatay, pare-parehong naturukan ng Dengvaxia, pare-parehong hindi na-dengue, dalawa lang po iyong na-dengue na eh na namatay. Kaya sabi ko
Hindi rin pala guarantee na iyong zero negative lang ang madidisgrasya, meron din lang zero positive, dahil yung isa twice na na-dengue at naturukan, isang turok lang within seven days patay yung bata” dagdag pa ni Acosta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.