Aguirre ikinumpara kay Poncio Pilato ng isang kongresista
Inakusahan ni Albay Rep. Edcel Lagman si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ng paglilinis ng kamay kasunod ng pagbasura ng DOJ panel sa drug charges laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.
Ayon kay Lagman, hindi maaring magmaang-maangan si Aguirre na hindi niya alam na ibabasura ng kanyang binuong panel of prosecutors ang reklamo laban sa mga sinasabing big time drug lords.
Paliwanag pa ng Albay solon hindi sekreto sa kalihim ang pag-usad ng imbestigasyong isinasagawa ng DOJ panel kaya imposible na wala itong alam.
Inihalintulad pa ni Lagman si Aguirre kay Poncio Pilato sa kanyang ginagawang pagmamalinis.
Iginiit pa nito na hindi na kailangang lumikha pa ng bagong panel ang DOJ secretary dahil ang kailangan lamang anyang gawin nito ay aprubahan o ibasura ang dismissal na ginawa ng mga piskal na nag-imbestiga sa reklamo.
Sa ilalim ng Rule 112 ng Rules on Criminal Procedure ang desisyon ng piskalya ay maaring i-modify o kaya naman ay baligtarin ng DOJ secretary nang hindi na nangangailangan pa ng bagong imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.