Hong Kong trip ni Sen. Honasan, pinayagan ng Sandiganbayan

By Rhommel Balasbas March 10, 2018 - 07:50 PM

Pumayag ang Sandiganbayan sa hiling ni Sen. Gregorio Honasan na makalabas ng bansa sa loob ng apat na araw.

Ito ay sa kabila ng pagtutol ng prosecution team ng Office of the Ombudsman at sa kanyang mga kinakaharap na kaso na may kaugnayan sa maling paggamit ng kanyang pork barrel funds noong 2012.

Sa resolusyong ibinaba ng Second Division ng anti-graft court ay pinapayagan na si Honasan sa kanyang pagpunta sa Hong Kong mula March 15 hanggang March 18.

Ipinaalala naman ng korte na dapat tanging Hong Kong lamang ang sakop ng kanyang itinerary.

Sa mosyon na inihain ng senador noong nakaraang buwan, sinabi nito na inimbitahan siya upang maging main speaker sa dalawang seminar para sa mga Overseas Filipino Workers kung saan tatalakayin niya ang federalismo at Charter Change.

Iginiit ng senador na wala siyang intensyong takasan ang mga kasong kanyang kinahaharap.

Ilan namang mga kondisyon ang ibinaba kaugnay ng Hong Kong trip ng senador tulad ng pagbabayad ng travel bond, at personal na pagharap sa korte sa loob ng limang araw matapos makabalik ng Pilipinas upang magsumite ng ‘proof of date’ ng kanyang pagdating.

Sakaling hindi makatupad sa mga kondisyon ay maaaring makansela na ang kanyang travel bond at lahat ng kanyang ‘Motion for Leave to Travel’ na ihahain sa hinaharap ay awtomatiko nang hindi papayagan ayon sa korte.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.