Joma Sison, iginiit na si Duterte ang No. 1 terorista sa bansa
Napag-alaman ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Ma. Sison na kabilang siya sa listahan ng gobyerno ng mga terorista sa bansa.
Gayunman, iginiit ni Sison na ang numero unong terorista talaga sa Pilipinas ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kaniyang pahayag sa website ng National Democratic Front of the Philippines, sinabi ni Sison na may mga sources siya na nagsabing kasama siya sa listahan, pero wala namang basehan para dito.
Tinawag ni Sison na “stupid” si Duterte at ang mga “minions” nito na nagpapanggap aniyang mga ignorante sa pagkapanalo niya sa mga legal cases upang maialis ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga terorista ng European Union.
Naipabasura niya rin ang mga kasong murder laban sa kaniya na inimbento umano ng administrasyong Arroyo at isinulsol sa Dutch government.
Kabilang si Sison sa 600 kataong hiniling ng Department of Justice sa Manila Regional Trial Court na ideklara bilang mga terorista.
Hiniling din ng DOJ sa nasabing petisyon na ideklarang terrorist organization ang CPP pati na ang New People’s Army (NPA).
Maliban sa pagiging “number 1 terrorist,” sinabi pa ni Sison na maging ang mga US intelligence agencies ay itinuturing na rin si Duterte bilang banta sa demokrasya at karapatang pantao.
Ang maling akusasyon aniya ni Duterte sa kanila ay bahagi lang ng plano ng pangulo na “wild anti-communist witch hunt,” at pamumuntirya sa mga kritiko upang maisakatuparan ang fascist dictatorship sa pamamagitan ng martial law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.