Limang menor de edad, nabawi ng NBI mula sa child pornographer sa Bulacan
Nailigtas ng mga operatiba ng NBI- Anti Human Trafficking Division at PNP-Women and Child Protection Center ang limang menor de edad mula sa inaresto nitong kilabot na child pornographer.
Kinilala ni NBI Director Dante A. Gierran ang naarestong suspek na si Anselmo Ico Jr alyas “Jaja Jhoncel”, na sangkot sa sexual exploitation ng mga bata.
Si Ico ay inaresto sa bisa ng search warrant noong March 8 sa Barangay Anilao, Malolos, Bulacan base sa timbre ng mga counterpart ng NBI sa Norway.
Sumama sa raiding team ang mga operatiba ng National Criminal Investigation Service (NCIS) – Norway, Homeland Security Agency, Federal Bureau of Investigation (FBI) at International Justice Mission (IJM).
Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Human Trafficking of Persons Act of 2012, Cybercrime Prevention Act of 2012, Special protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at Anti-Child Pornography Act of 2009.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.