State of Emergency idineklara sa Sri Lanka dahil sa mga pag-atake
Nagdeklara ang pamahalaaan ng Sri Lanka ng State of Emergency matapos ang sunud-sunod na pag-atake sa mga Muslim.
Ipinag-utos ang curfew sa Kandy central district kung saan naiulat ang sunod-sunod na pag-atake ng mga miyembro ng Buddhist Sinhala majority sa mga Muslim-owned shops, mga bahay at mga mosque.
Ang tensyon ay bunsod ng pagkamatay ng isang Buddhist noong nakaraang linggo na sinasabing ginulpi ng mga Muslim.
Nangangamba ang mga awtoridad sa posibleng patuloy na paghihiganti na magdudulot ng panganib sa buhay ng mga Muslim matapos matagpuan ang katawan ng isang lalaking Muslim sa isang sinunog na gusali kahapon, araw ng Martes.
Naitala rin ang kaguluhan sa bayan ng Ampara matapos ding atakihin ang isang tindahan doon.
Ayon sa isang lokal na opisyal, nasa apat na mosque na, 37 bahay, 46 tindahan at 25 ang nasira ng mga pag-atake sa mga lugar ng Digana at Teldeniya.
Sa ilalim ng State of Emergency, maaaresto ang mga suspek at makakapagdeploy ng mga tauhan ang pwersa ng gobyerno sa mga lugar na kinakailangan ng tulong.
Ito ang kauna-unahang beses na nagdeklara ang Sri Lanka ng State of Emergency matapos ang pitong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.