Itinanggi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Asec. Charles Jose ang balitang may Pinoy ng apektado ng Middle East Respiratory Syndrome – Coronavirus (Mers-Cov) sa South Korea.
Ayon kay Jose ang tanging kumpirmado ay ang isang Pinoy na nahawaan ng sakit sa Saudi Arabia.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Jose na wala pang ulat ang embahada ng Pilipinas sa Seoul na mayroong Pinoy na nahawaan ng sakit. Sa ngayon, ligtas aniya ang lahat ng Filipino na nasa South Korea.
Patuloy din ayon kay Jose ang paalala ng embahada ng Pilipinas sa Seoul sa mga Pinoy doon na maging maingat upang hindi sila mahawaan ng Mers-Cov.
“Ligtas po lahat ng kababayan natin sa South Korea, very closely ang ginagawang monitoring ng ating Embassy doon. Patuloy ang pag-iisyu ng advisory ng ating embassy doon para paalalahanan ang mga kababayan natin na mag-take ng extra precautionary measures para hindi sila ma-infect ng Mers-Cov,” sinabi ni Jose.
Ayon kay Jose ang Pinoy naman na nahawaan ng sakit sa Saudi Arabia ay patuloy na ginagamot sa Ospital na pinagdadalhan ng mga tinatamaanng nasabing virus.
Nahawa aniya ang Pinoy sa kaniyang misis na nagta-trabaho sa Ospital sa Riyadh.
“Ang wife po ay gumaling na pero after a few days nahawa ang mister. Naka-confine na po siya sa Hospital na specialized sa Mers-Cov,” dagdag pa ni Jose / Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.