PNP dapat isiwalat sa UN ang katotohanan sa likod ng drug war – Sorsogon bishop
Umapela ang isang Catholic bishop sa mga miyembro ng pulisya na ihayag sa harap ng mga kinatawan mula sa United Nations ang katotohanan tungkol sa paglabag sa karapatang pantao sa bansa at giyera kontra iligal na droga.
Ayon kay Sorsogon Bishop Most Rev. Arturo Bastes, SVD, D.D, dapat makinig sa konsensya at magsabi ng totoo ang mga pulis na maaaring makapanayam ng UN special rapporteurs sa kanilang imbestigasyon.
Hinikayat ng obispo ang PNP na huwag sundin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes na huwag sagutin ang mga tanong ng mga UN rapporteurs.
Ayon kay Bishop Bastes, natatakot lamang ang pangulo na sabihin ng kanyang mga pulis ang katotohanan.
Natatakot din anya si Duterte na harapin ang katotohanan na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nakagawa ng mga krimen ang PNP na labag sa karapatang pantao.
Nitong Martes ay ipinahayag ng gobyerno ng Pilipinas na welcome dito ang imbestigasyon ng UN sa giyera kontra iligal na droga ngunit hindi papapayag kung sakaling si UN special rapporteur Agnes Callamard ang mangunguna dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.