Callamard, iimbitahan ng gobyerno na mag-swimming sa Pasig River -Roque
Iimbitahan ng Pilipinas si United Nations (UN) Special Rapporteur Agnes Callamard na lumangoy sa Pasig River kapag bumisita ito sa bansa.
Sagot ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa tanong kung ano ang gagawin ng gobyerno oras na magdesisyon si Callamard na pumunta sa bansa bilang turista pagkatapos ay imbestigahan nito ang umanoy extra judicial killings.
Ayon kay Roque, nakakapasok nga ng bansa si Callamard nang hindi imbitado kaya welcome ito bilang turista. Masama lang anya kung palalabasin nito na nag-iimbestiga siya.
Dagdag ng kalihim, kung habang nasa bansa ay sabihin ni Callamard na nagkaroon siya ng obserbasyon bilang turista, iimbitahan ito na lumangoy sa malamig na tubig ng ilog Pasig.
Una nang sinabi ni Roque na pwedeng magpadala ang UN ng sinumang rapporteur para imbestigahan ang umano’y paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas basta hindi si Callamard.
Kung magpapadala anya ang UN ng special rapporteur sa bansa, ito ay dapat na mapagkakatiwalaan, may otoridad at kailangang maging objective at unbiased.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.