Ex-PNoy, Abad at Garin, ipinatatawag ng COMELEC kaugnay ng Dengvaxia
Ipinatawag ng Commission on Elections (COMELEC) si dating pangulong Noynoy Aquino at dalawa nitong dating gabinete kaugnay ng election offense na may kaugnayan sa Dengvaxia.
Naglabas ang Comelec Law Department ng subpoena para kina Aquino, dating budget secretary Butch Abad at dating health secretary Janettte Garin para dumalo sila sa preliminary hearing sa March 15 dakong alas diyes ng umaga.
Sa preliminary hearing ay pagsusumitehin ang tatlo ng kanilang counter affidavits sa reklamong inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption noong nakaraang buwan.
Sinampahan ang tatlo ng VACC at ni dating Department of Health consultant Dr. Francis Cruz ng election offense dahil sa implementasyon ng dengue vaccination program noong 2016.
Ayon sa mga complainants, ipinatupad ang programa noong April 4, 2016 na sakop ng 45-day election ban para sa mga government projects bago ang May 2016 polls.
Inakusahan sina Aquino, Abad at Garin ng paggamit ng pondo ng bayan para sa election campaign kahit bawal ito sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.