PNoy, inakusahan ang Korte Suprema ng paglampas sa poder nito
Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa Supreme Court para balikan ang mga mabibigat at kontrobersiyal na isyung kinaharap ng Hudikatura.
Ang panawagan ay ginawa ni Pangulong Aquino sa ground breaking ceremony para sa itatayong bagong Supreme Court building complex sa Fort Bonifacio Taguig city.
Inihalimbawa ni Pangulo ang mga kataka-takang posisyon ng isa o iilang mahistrado, kung kailan biglang nagbago ang pananaw ng Korte sa mahahalagang usapin, o tila nagkaroon ng judicial legislation.
Ang judicial legislation ay ang mga aksyon o paglalabas ng desisyon ng Korte na tila ay lumalampas na sa sakop ng kanilang mandato tulad ng paggawa ng mga doktrina at prinsipyo na wala o hindi naman nasasakupan dati ng batas.
Ayon kay Pangulong Aquino, kaisa siya at ang buong Ehekutibo sa pagnanais na lalong patatagin at isulong ang positibong transpormasyon sa Hudikatura.
Dagdag pa niya, kung hangad ng Hudikatura ang pagbabago ay dapat lalong kumilos para dito lalo pa dapat pag-alabin ang pagnanais na gawing mas patas at makatarungan ang lipunan.
Binigyang diin ng Pangulo na sa pagkakaisa, tiyak na maipapamana sa susunod na salinlahi ang isang Pilipinas na di hamak na mas maganda kaysa sa dating administrasyon.
Tiniyak naman ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa Pangulo na alam ng Korte Suprema ang mandato nito at hindi nito sinasaklawan ang trabaho ng Ehekutibo at Lehislatura.
Sa katunayan aniya ay tuwing en banc session, pinagde-debatehan pa nila kung ang kanilang mga ginagawa ay nasasakop pa ng Hudikatura.
Siniguro rin ni Sereno sa publiko na siya at ang 14 na mahistrado ay laging nag-uusap para hindi mangyari ang judicial legislation, at pagkatapos nito saka lang malalaman ang huling boto sa isang isyu.
Ang bagong supreme court compound na itatayo sa 2 ektaryang lupain mula sa BCDA ay inaasahang matatapos sa taong 2019.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.