Sereno: “I have not resigned and I will not resign”
Nilinaw ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi siya nagbitiw at hindi siya magbibitiw sa kanyang pwesto.
Sa kanyang pahayag na binasa ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Jojo Lacanilao, nilinaw ng Punong Mahistrado na hindi nangangahulugan na iniiwan na niya ang kanyang trabaho kasunod ng inihain niyang indefinite leave.
“I have not resigned and I will not resign. This indefinite leave is not a resignation”, ayon sa pahayag ni Sereno.
Dagdag pa ng Chief Justice, “It is unfortunate that my plan of making use of an already approved wellness leave in relation to an indefinite leave was inaccurately conveyed for which I apologize”.
Kasabay nito ay humingi rin ng paumanhin sa Supreme Court en banc si Lacanilao kaugnay sa kanyang mga naging pahayag na wellness leave lamang ang inihain ni Sereno.
Ipinaliwanag ng abogado na walang pakahulugan ang kanilang sinabi sa media dahil iyun lang umano ang nakarating na impormasyon sa kanila galing sa kampo ng Chief Justice.
Sinabi rin ni Lacanilao na magiging maingat na sila sa paglalabas ng mga pahayag lalo’t pinaghahandaan na nila ang magiging argumento kapag umabot na ang impeachment complaint sa Senado bilang impeachment court.
Gagamitin rin umano ni Sereno ang kanyang bakasyon para paghandaan ang magiging mga sagot sa inihaing reklamo laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.