Omidyar Network, nagdonate ng $1.5M PDRs sa Rappler
Nag-donate ang Omidyar Network ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) na nagkakahalaga ng 1.5 milyong dolyar sa Rappler.
Ito ang inanusyo ng American investor at isinalin ang naturang PDRs sa 14 na Filipino na manager ng news outlet kasama na ang founder nitong si Maria Ressa.
Ayon kay Omidyar partner Stephen King, ang donasyong ito ay magbubunsod ng kawalan ng basehan ng Securities and Exchange Commission (SEC) upang ipasara ang Rappler.
Matatandaang noong Enero 15, naglabas ang SEC ng desisyon na nagkakansela sa ‘certificate of incorporation’ o lisensya ng Rappler dahil sa ‘di umano’y paglabag nito sa itinakda ng Konstitusyon tungkol sa pagmamay-ari ng mass media sa bansa.
Iginiit ng SEC na kontrolado ng dayuhan ang kanilang operasyon.
Samantala, sa isang pahayag naman ay sinabi ni Rappler counsel Francis Lim na ang naging donasyon ay patunay lamang na ang Rappler ay pagmamay-ari at kontrolado ng mga Filipino.
Ani Lim, dapat ay lubayan na ng gobyerno ang Rappler at huwag nang makialam sa mga operasyon nito sa ngalan ng kalayaan sa pamamahayag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.