3 opisina ng PNP, surpresang ininspeksyon ni Bato
Make-up, “snacks,” at Facebook.
Ang mga ito ang nadatnan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na pinagkakaabalahan ng mga tauhan sa tatlong frontline service units ng pulisya sa Camp Crame.
Surpresa kasing nagsagawa ng inspeksyon si Dela Rosa sa Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA), Firearms and Explosives Office (FEO) at Police Community Relations Group (PCRG).
Nakatalaga ang PNP-SOSIA sa regulasyon ng mga security agencies sa bansa, habang ang FEO ay nakatoka sa pagpo-proseso ng mga lisensya ng baril at ang PCRG naman ay nagsusulong ng mas mabuting police community relations.
Ginawa ni Dela Rosa ang pag-iinspeksyon matapos siyang makatanggap ng mga sumbong na mabagal ang pag-proseso ng mga papeles at pamamayagpag ng mga fixers.
Binalaan naman niya ang mga tauhan partikular na sa FEO na posibleng kakuntsaba ng mga fixers, na itigil na ang kanilang ginagawa.
Inatasan na ni Dela Rosa ang kanilang Counter-Intelligence Task Group para imbestigahan ang mga reklamo tungkol sa mga fixers sa opisina.
Pinaalalahanan niya rin ang mga ito sa kanilang tungkulin na gawing komportable ang mga kliyente at ibigay ang serbisyong kailangan ng publiko sa mas madali at mabilis na paraan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.