Train capacity ng MRT, nais maibalik ng gobyerno sa kahit kalahati bago matapos ang Pebrero
Nais ng pamahalaan na maibalik ang train capacity ng MRT-3 sa kahit kalahati o sa sampung tren bago matapos ang buwan ng Pebrero.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways John Timothy Batan, sakaling wala nang masisira pang tren ngayong buwan ay kaya nang maibalik sa 10 ang tumatakbong tren sa MRT 3.
Sapat na anya ang spare parts para maisaayos ang nasabing bilang ng tren sa katapusan ng buwan.
Sinabi rin ng opisyal na maaaring tumaas pa sa 15 tren ang tumakbo na sakaling sumailalim na sa ‘annual maintenance shutdown’ ang MRT 3 sa Holy Week sa katapusan ng Marso.
Matatandaang nitong mga nakalipas na araw, wala pang sampung tren ang tumatakbo kada araw na nagdudulot ng mahahabang pila dahil sa mahabang ‘interval’ ng mga tren.
Samantala, nagsimula nang muli noong Lunes ang test run ng Dalian Trains na binili ng nakaraang administrasyon na nauna nang sinabing hindi umano compatible sa sistema ng MRT 3.
Sa post ni Baifeng Wang, isang Dalian engineer ay ipinakita nito na tumatakbo ang Dalian Train at sinabing angkop ang sistema ng tren sa linya ng operasyon at pwedeng gamitin anumang oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.