₱15-M halaga ng mga laruan at iba pang ari-arian natupok sa sunog sa Pasig City
Alas-1:58 nang ideklarang fire under control ng mga bumbero ang pagliliyab sa isang warehouse sa Jenny’s Avenue, Barangay Rosario sa lungsod ng Pasig.
Nagsimulang sumiklab ang apoy alas-7:25 ng gabi sa Rich Prime Global Inc. warehouse na pag-aari ni Myrna Tangyao, na isang imbakan ng mga laruan ng isang kilalang toy company.
Katabi ito ng isang warehouse ng mga sasakyan at residential area na karamihan ay mga informal settlers.
Makalipas ang isang oras simula nang sumiklab ang apoy ay itinaas ito sa ika-limang alarma.
40 hanggang 45 kabahayan ang nadamay sa paglilibay, kaya naman sa malapit na covered court pansamantalang nagpalipas ng gabi ang nasa 120 pamilya na nawalan ng tirahan.
Apat na mga residente ang nasugatan dahil sa sunog. Pawang second degree burn ang tinamo ng tatlong kabataang residente na dinala na sa Pasig City General Hospital, habang first aid dahil sa hiwa sa paa naman ang ibinigay ng Philippine Red Cross sa isang lalaking residente.
Samantala, pinatay na ang supply ng kuryente sa lugar habang inaapula ang sunog.
Ayonkay Fire Superintendent Reynaldo Lorenzo, hepe ng District 4 Fire Department, aabot sa 15 milyong piso ang kabuuang danyos na idinulot ng sunog.
Hindi pa batid ang pinag-umpisahan ng sunog, ngunit dalawa ang tinitingnang anggulo na pinagmulang ng sunog. Una ay ang mga kabataang naglalaro umano ng apoy sa labas ng gusali, habang ang ikalawa naman ay ang posibilidad na sa loob mismo ng warehouse sumiklab ang apoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.