Pope Francis, nagtalaga ng bagong Obispo para sa Diocese of Iba
Pinangalanan na ni Pope Francis ang bagong obispo ng Diocese of Iba sa lalawigan ng Zambales.
Itinalaga ng Santo Papa si Monsignor Bartolome Santos bilang obispo ng diyosesis na naging ‘sede vacante’ o walang obispo sa loob ng halos apat na taon.
Susundan ni Santos bilang obispo ng Iba si Archbishop Florentino Labaras na itinalagang pamunuan ang Archdiocese of San Fernando sa Pampanga noon pang 2014.
Si Santos ang kasalukuyang rector ng National Shrine of Our Lady of Fatima sa Valenzuela City.
Siya rin ang kasalukuyang ‘Vicar General and Moderator of the Curia’ ng Diocese of Malolos sa Bulacan.
Ipinanganak si Santos sa Santa Maria Bulacan noong 1967 at inordinahan bilang pari taong 1992.
Si Santos ay ang ikatlong Filipino na nakatanggap ng ‘appointment’ mula sa Santo Papa sa loob lamang ng isang linggo.
Noon lamang February 10 ay itinalaga ni Pope Francis si Monsignor Abel Apigo ng Archdiocese of Davao bilang bagong Obispo ng Diocese of Mati sa Davao Oriental.
Makalipas naman ang apat na araw ay itinalaga ng Santo Papa si Bishop Jose Romeo Lazo ng Diocese of San Jose de Antique bilang Arsobispo ng Jaro sa Iloilo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.