Pamilya ng OFW na natagpuan sa freezer sa Kuwait tatanggap ng financial, livelihood at educational
Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA) na hindi pababayaan ng pamahalaan ang pamilya ng pinaslang na Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na si Joanna Demafelis.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac makakatanggap ang naiwang pamilya ni Demafelis ng P300,000 financial o bereavement assistance, P200,000 livelihood assistance at P50,000 na educational assitance para sa bunsong kapatid nito na kanyang pinag-aaral.
Bukod dito, tutulungan din ng OWWA ang pamangkin ni Demafelis na naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Nilinaw naman ni Cacdac na maari pa ring habulin ng pamahalaan ang recruiter ni Demafelis kahit na sarado na ito sapagkat mayroon namang ESCROW account ito na nakadeposito na maaring pigilin ng pamahalaan sa loob ng limang taon.
Kaugnay ng pagkamatay kay Demafelis, ni-recall na ng OWWA ang welfare officer nito na si Maria Sarah Conception mula sa Kuwait.
Ang 29 na taong gulang na si Demafelis ay sinasabing pinaslang ng kanyang sariling Lebanese employer na si Fadilah Farz Kaued Alkhodor at asawa nito na isang Syrian national.
Natagpuan ang kanyang bangkay na nakasilid sa loob ng isang freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.
Mayo 20, 2014 pa lumipad si Demafelis patungong Kuwait matapos makakuha ng kontrata sa tulong ng Mt. Carmel Global and Human Resources.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.