COA ipatatawag ng Kamara kaugnay sa ginastos ng PCSO sa Christmas Party
Inimbitahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang Commission on Audit para humarap sa pagdinig ng magarbong Christmas Party ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa EDSA Shangri-La.
Ayon kay Surigao Rep. Johnny Pimentel, pinuno ng komite, nilalabag ng PCSO party ang COA rule kung saan ipinagbabawal sa anumang ahensya ng gobyerno na magbigay ng pera o magbayad sa simbahan.
Maliban dito, nilalabag din umano ng PCSO ang COA memorandum circular 1982 kung saan pinapayagan ang cash advances sa gobyerno para sa pasweldo, honorarium, at allowances pero ang cash advance para sa Christmas party ay hindi kasama dito.
Bukod sa liquidation ng gastos sa Christmas party, pagpapaliwanagin ang COA kung papaano mali-liquidate ang ibinayad sa pari para sa thanksgiving mass.
Sa pagdinig ng komite nanindigan naman si PCSO General Manager Alex Balutan na ito ay aprubado ng PCSO collegial board at nasa P6.4 Million lamang ang ginastos sa Christmas party mula sa preperation, hotel, pagkain, at sa paraffle sa mga empleyado ng ahensya.
Muling binigyang diin ni PCSO Dir. Sandra Cam na bahagi ng kanyabg protesta ang pagbubulgar sa P10 Million na magarbong PCSO Christmas Party matapos niyang lumapit kay PCSO GM Alexander Balutan para idulog ang paghingi ng tulong dahil sa sunud-sunod na kalamidad at kaguluhan sa Marawi City.
Nauna rito ay sinabi ni Cam na P75,000 ang ibinayad para sa thanksgiving mass pero P16,000 lamang ang ibinigay sa pari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.