Matandang lalaki, nasawi matapos iligtas ang misis sa nasusunog na bahay sa Pagadian
Nasawi ang isang 77 taong gulang na lalaki dahil sa mga paso na natamo niya sa pagliligtas niya sa buhay ng kaniyang misis na may sakit mula sa sunog na tumupok sa kanilang tahanan sa Barangay Buenavista, Pagadian City.
Ayon kay city fire marshal Senior Insp. Edgar Quitoy, idineklarang kritikal ang kundisyon ni Vicente Pasco nang maisugod sila ng kaniyang misis na si Aida sa ospital.
Gayunman, hindi nakayanan ni Pasco ang kaniyang kalagayan at kalaunan ay pumanaw na habang binibigyang lunas, samantalang si Aida ay ginagamot pa rin sa ngayon.
Batay sa imbestigasyon, nasa loob ng bahay ang mag-asawa nang sumiklab ang sunog na kumalat sa dalawa pang kalapit na bahay.
Ayon sa mga kapitbahay, narinig nila si Pasco na humihingi ng saklolo habang madaliang itinutulak palabas ang kaniyang misis mula sa nasusunog nilang bahay.
Agad namang tinulungan ng mga kapitbahay at mga tanod ang mag-asawa at dinala sila sa ospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.