Cebu Pacific, tutulong sa pagpapauwi ng mga OFW sa Kuwait na nais nang umuwi
Nakikipag-ugnayan na ang Cebu Pacific sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa Kuwait upang matulungan ang mga overseas Filipino workers (OFW) doon na nais nang umuwi sa Pilipinas.
Ayon sa Cebu Pacific, magpapadala sila ng special flight patungo sa Kuwait upang tulungan at sunduin ang mga OFW na nais nang umalis doon.
Ginawa ng kumpanya ang pahayag matapos manawagan si Pangulong Rodrigo Duterte ng tulong mula sa kanila at sa Philippine Airlines kaugnay ng sitwasyon ng mga OFW.
Ayon pa sa anunsyo ng Cebu Pacific, inaayos na nila ang iba pang mga detalye ng biyahe at maglalabas muli sila ng update kapag naisa-pinal na ang mga impormasyon.
Noong Biyernes ay inatasan ni Pangulong Duterte si Labor Sec. Silvestre Bello III para tulungan ang mga Pinoy na nais umuwi sa loob ng 72 oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.