Lagman, bumanat sa umano’y pag-balimbing ni Roque sa isyu ng war on drugs ng administrasyon
Kinastigo ni Albay Rep. Edcel Lagman si presidential spokesperson Harry Roque dahil sa mistula aniya nitong pag-balimbing sa isyu ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang statement, ipinaalala ni Lagman ang naging pahayag noon ni Roque nang hindi pa ito nagiging tagapagsalita ng pangulo.
Tinukoy ng mambabatas ang nilalaman ng privilege speech ni Roque noong August 10, 2016 noong isa pa itong kinatawan ng Kabaayan party list.
Sa naturang talumpati ni Roque, binabalaan pa nito ang pangulo na mag-ingat sa mga binibitiwang salita sa isyu ng giyera kontra droga at kung hindi, ay maaring manghimasok na sa isyu ang International Criminal Court.
Ngayon aniya, tila bumaligtad na ng todo ang mga pahayag ni Roque at sinasabi na ngayon na nagsasayang na lamang ng oras ang ICC sa gagawing ‘preliminary examination’ sa reklamong crimes against humanity laban sa pangulo.
Pahayag pa ni Lagman, malinaw na malaki ang ipinagbabago ng isang tao at nakakalimutan na ang mga prinsipyo sa oras na nabigyan na ng puwesto.
Ayon naman kay Roque, ‘taken out of context’ lamang ang nilalaman ng kanyang talumpati.
Giit nito, hindi naman niya binanggit na sangkot sa sa anumang krimen ang adiministrasyon at tanging babala lamang ang kanyang nais na iparating noon sa pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.