Kababaihan sa Saudi hindi na dapat kailangang magsuot ng abaya — Council of Senior Scholars
Hindi na dapat kailangan pang magsuot ng abaya ang mga kababaihan ng Saudi Arabia.
Ito ang naging pahayag ni Sheikh Abdullah al-Mutlaq, isang senior cleric at miyembro ng Council of Senior Scholars na maituturing na pinakamataas na religious body sa bansa.
Ipinaglalaban ni Sheikh al-Mutlaq na panahon na upang matamo ng kanilang bansa ang liberalization.
Aniya, mahigit 90% ng mga babaeng Muslim sa ibang bahagi ng mundo ay hindi na nagsusuot ng abaya. Kaya naman dapat nang hindi pilitin ang mga kababaihan sa kanilang bansa na magsuot pa rin nito.
Sa batas kasi ng Saudi ay nakasaad na kailangang magsuot ng abaya ang kanilang mga kababaihan.
Sa ngayon ay ilang mga reporma na para sa mga kababaihan ng Saudi ang naipatupad. Kabilang dito ang pagpapahintulot sa kanilang magmaneho, at pumasok at manood sa loob ng football stadium.
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang pahayag ni Sheikh al-Mutlaq, kabilang ang mga pagsangayon ng iba pang mga religious clerics.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.