DOTr, nakipagkasundo sa Canadian company para sa signaling system ng MRT-3
Pumirma na sa isang kasunduan ang Department of Transportation (DOTr) sa Canadian company na Bombardier para sa pagbili ng mga original equipment manufacturer (OEM) signaling spare parts at maintenance ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3).
Kabilang sa mga lumagda sa memorandum of understanding ay mismong si Transportation Sec. Arthur Tugade, mga opisyal ng Bombardier at Canadian Ambassador John Holmes.
Nilinaw naman ni Tugade na ang Bombardier lang ang magiging service provider ng spare parts at maintenance provider para sa signaling system ng MRT.
Ayon kay MRT-3 media relations officer Aly Narvaez, walang bidding na naganap sa pakikipagkasundo sa Bombardier.
Mayroon kasi itong propriety rights MRT-3 bilang sila ang nag-disenyo at nagpatupad ng signaling system ng MRT-3.
Ayon kay Tugade, ang Japanese company na Sumitomo pa rin ang kanilang napipisil na maging bagong kabuuang service provider ng MRT-3 matapos nilang putulin ang kontrata sa Busan Universal Rail Inc. (BURI) noong nakaraang taon.
Matatandaang na-terminate ang kontrata sa BURI dahil sa kabiguan nitong bumili at mag-maintain ng sapat na inventory ng OEM signaling spare parts.
Sa halip, ang binili at ikinabit ng BURI sa MRT-3 ay pawang mga non-OEM parts.
Ang Bombardier ang kumpanyang nag-disenyo, nag-supply at nag-maintain ng signaling system ng MRT-3 sa unang 12 taon ng operasyon nito at sila din ang OEM at propriety rights owner ng nasabing sistema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.