Hindi ngayon ang tamang panahon para makipag-away sa China.
Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga ulat na may mga panibagong istrukturang itinayo ang China sa mga bahura sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Iginiit ng pangulo na ang bangayan sa South China Sea ay sa pagitan lamang ng China at ng Estados Unidos.
Gayunman, ipinangako ni Pangulong Duterte na poprotektahan niya ang exclusive economic zone ng Pilipinas, partikular na ang Philippine Rise.
Banta ni Duterte sa mga maghahamak na makialam dito, huwag guluhin ang economic zone ng Pilipinas.
“Do not mess with my economic zone,” babala ng pangulo.
Samantala, dumipensa naman si Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang naging naunang pahayag na darating ang panahon na pasasalamatan din ng Pilipinas ang reclamation ng China sa South China Sea.
Paliwanag ni Roque, ang ibig niya lang namang sabihin ay libre lang mangarap.
Matatandaang inulan ng batikos ang nasabing pahayag, kabilang na ang mula kay Sen. Grace Poe na inihalintulad ito sa pagpapasalamat sa mga armdong kalalakihan sa pagsalakay sa kaniyang tahanan.
Muli namang iginiit ni Roque na dahil napapaloob sa EEZ ng Pilipinas ang mga itinayong artificial islands ng China, nangangahulugan ito na kapag nagkaroon ng pagkakataon ay mapupunta din ito sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.