Pinapurihan ng husto ni Pangulong Noynoy Aquino si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-117 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Santa Barbara, Iloilo.
Sa kaniyang speech, ikinuwento ng Pangulong Aquino kung paanong naging matagumpay ang proyektong lumikha sa Negros Island Region.
Sa nasabing proyekto, pinag-isa aniya ang Negros Oriental at Negros Occidental upang mas matutukan ng Gobyerno ang mga alokasyon para sa pangangailangan ng rehiyon.
Hindi na aniya kakailanganing tumawid ng dagat ang mga taga-Negros para makakuha ng serbisyong nakalaan para sa kanila.
Ayon sa Pangulo, si Roxas ang naglapit sa kaniya ng nasabing proyekto. Tinawag pa niya si Roxas na “Tunay na anak ng Panay”.
Pinuri din ni PNoy si Roxas sa pagsasabing ang mga proyekto at programang iniatas niyang pamunuan ni Roxas ay nagtagumpay.
“Alam naman po ninyo, itong tunay na anak ng Panay island na si Secretary Mar ang nanguna sa pagsusulong nito. Gaya po ng nabanggit ko na, alam nating kapag inatas nating pamunuan ng isang Mar Roxas ang isang proyekto o programa, asahan mong magtatagumpay po ito,” ayon sa Pangulo
Matapos ang papuri kay Roxas, sinabi ng Pangulong Aquino na tiwala siyang ipagpapatuloy ng taumbayan ang pagbabagong nasimulan sa pamamagitan ng pagpili ng tamang pinuno.
“Taumbayan ang bahala; taumbayan ang magpapatuloy ng pagbabagong sila mismo ang gumawa. Alam nila kung ano ang tama, at kung ano ang mali. Tiwala akong pipiliin nilang muli ang nararapat na pinuno, lalo pa’t nakikita nila ang resulta ng ating mabuting pamamahala,” dagdag pa ng Pangulo./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.