Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na walang kakulangan sa bigas ang bansa bagaman mayroon lamang dalawang araw na buffer stock ang ahensya.
Ipinahayag ni NFA spokesperson Rebecca Olarte na walang rice shortage dahil mayroong kabuuang 2.7 million metric tons ng bigas ang bansa para sa 86 na araw.
Ayon sa opisyal, kasama sa bilang na ito ang inventory ng NFA at commericial rice producers.
Sinabi ni Olarte na higit pa sa sapat ito at ang kulang lang sa ngayon ay ang buffer stock ng NFA.
Dagdag ng opisyal, hindi maaabot ng ahensya ang 15 araw na buffer stock na inirekomenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council dahil malaki ang pinagkaiba sa presyo ng NFA at commercial rice traders.
Ayon kay Olarte, nakabawas din sa rice inventory ng NFA ang sunud-sunod na kalamidad na tumama noong nakaraang taon, gaya ng Marawi City siege at mga bagyo.
Aniya, walong porsiento hanggang siyam na porsiento lamang ng publiko ang bumibili ng NFA rice kaya hindi ganoon kalaki ang epekto ng limitadong suplay sa presyo at supply ng bigas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.