India pinaluhod ng Gilas Pilipinas sa iskor na 99-65
Inilampaso ng Gilas Pilipinas ang koponan ng India sa iskor na 99-65 para makuha ang pangunguna sa Group E sa quarterfinals ng FIBA Asia Qualifier.
Sa simula pa lamang ng salpukan ay nadomina na ng India ang control sa laban pati na rin ang lahat ng quarters hanggang sa umariba ang mga bataan ni Coach Tad Baldwin.
Dahil sa panalo ng mga Pinoy ay mayroon na silang 4-1 records at hihintayin na lamang nila ang kanilang susunod na makakaharap alinman sa Lebanon o Jordan para sa gitgitan sa final 4 ng liga.
Pinangunahan ni Terrence Romeo ang kampanya ng Gilas makaraan siyang maka-iskor ng 20-points na sinundan pa ng 3-rebounds at 4-steals.
Naging epektibo tulad ng inaasahan ang depensang ipinakita ni Andray Blatche na nakapag-ambag ng 15-points lalo na sa mga krusyal na oras ng sagupaan.
Ginulat din ni Raniddel de Ocampo ang buong bench ng India sa kanyang ipinamalas na lakas sa rebounds at husay sa pagkamada ng puntos na umaabot sa 13-points.
Nahirapan ang mga point guards ng India sa paghabol sa matulin na si Jason Castro kung saan ay ilang bese niyang iniwan ang kanyang mga bantay sa kabuuan ng laban.
Nakapag-buslo si Castro ng 12-points sa kabila ng mahigpit na pagbabantan sa kanya ng mga point guards ng India.
Dahil sa naturang laban sinabi ni Mark Pingris na buo ang kanilang kumpyansa na mapapanatili nila ang momentum dahil mataas ang kanilang morale sa dulot na rin ng sunod-sunod na panalo.
Pinaalalahanan naman ni Coach Baldwin ang kanyang tropa na huwag maging kampante at manatilihin ang disiplina dahil mabibigat na teams ang kanilang mga susunod na makakalaban sa mga susunod na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.