MMDA Chairman Francis Tolentino tatakbong senador sa 2016
Tinapos na ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang mga haka-haka nang mag-deklara itong tatakbo siya bilang senador sa darating na eleksyon.
Sinabi ni Tolentino na kinausap n’ya ang mga miyembro ng kanyang pamilya at binigyan siya ng go signal ng mga ito para sa kanyang plano sa mas mataas na puwesto.
Bago ang kanyang desisyon ay nagkaroon din sila ng pag-uusap ni Pangulong Noynoy Aquino kung saan ay ipinaliwanag niya ang kanyang mga plano hindi lamang para sa sarili kundi maging ang kanyang maii-ambag sa Partido Liberal.
Ipinaliwanag din ng opisyal na nakatakda siyang magbitiw sa pwesto bilang MMDA Chairman para mabigyan ng pagkakataon ang Pangulo na pumili ng bagong pinuno ng ahensya.
Sa mga darating na araw ay kanya nang ihahain ang kanyang resignation habang sa ngayon ay abala siya sa pagtapos sa ilang proyekto na kanyang nasimulan sa MMDA.
Noong 2010 ay hinirang ng Pangulo si Tolentino sa MMDA kung saan ay iniaatas sa kanya na ayusin ang malalang problema sa trapiko at suliranin sa baha sa buong Metro Manila.
Bago ang kanyang pagbaba sa puwesto ay nakatakda ring kausapin ng opisyal ang kanyang mga tauhan sa MMDA upang pasalamatan at humingi na rin ng suporta sa kanyang gagawing pag-kandidato bilang senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.