Baril at granada, itinanim lang kay Baylosis ng mga pulis – NUPL
Iginiit ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na itinanim lang ang baril at granadang nakumpiska umano at dahilan ng pag-aresto sa National Democratic Front (NDF) consultant na si Rafael Baylosis.
Matatandaang noong Miyerkules naaresto si Baylosis at ang kasama niyang si Roque Guillermo sa Quezon City.
Ayon kay NUPL president Atty. Edre Olalia, walang standing na warrant of arrest laban kay Baylosis nang ito ay arestuhin at itinanim lang ng mga pulis ang baril sa kaniya.
Sa isinagawa pang inquest, bigla na lang aniyang may sumulpot na granada na sinasabing nakuha rin mula kay Baylosis upang maging non-bailable ang pekeng kasong isinampa laban sa kaniya.
Hindi rin pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court ang mosyon ng prosecutors na kanselahin ang piyansa ni Baylosis kaugnay ng mga kasong murder laban dito at muli siyang ipaaresto.
Ang tangi aniyang naging basehan ng pag-arestokay Baylosis ay ang gawa-gawang kwento na naglalakad ang peace consultant sa kalsada nang may dalang baril sa kaniyang bewang at granada kasama ng brown rice na hawak nito.
Kasalukuyang nakakulong si Baylosis at ang kaniyang kasamahan sa Camp Crame sa Quezon City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.