Eksperto: China, pinipiga muna ang Duterte admin bago kumilos sa Panatag Shoal
Mistulang hinihintay muna ng China na mapiga nila ang lahat ng kaya nilang mapiga mula sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte bago sila magtayo ng pasilidad sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ayon kay Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) director Greg Poling, dahil nararamdaman ng China na sila ang nananalo, hindi nila kakantiin ang Pilipinas.
Matatandaang noong nakaraang taon ay kumalat ang ulat na nagbabalak ang China na magtayo ng environmental monitoring station sa Panatag Shoal.
Gayunman, ayaw itong patulan ni Pangulong Duterte dahil pinanghahawakan niya ang ipinangako sa kaniya ng China na hindi sila gagawa ng pasilidad sa nasabing teritoryo.
Naniniwala si Poling na tiyak na magtatayo ng pasilidad ang China sa Panatag at ang tanong na lang ay kung kailan nila ito gagawin.
Sa bawat araw aniya na lumilipas ay napapalakas ng China ang kanilang kontrol sa South China Sea ngunit walang ginagawa ang Pilipinas ukol dito.
Sa palagay pa ni Poling, maghihintay lang muna ng tiyempo ang China hanggang sa makuha na nila ang lahat ng kaya nilang kunin mula sa pamahalaan ng Pilipinas, bago sila magsimula sa kanilang pakay.
Sa ngayon ay nakakapangisda naman sa Scarborough ang mga Pilipinong mangingisda ngunit naroon pa rin ang presensya ng malalaking barko ng Chinese Coast Guard. /
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.