Dalawa pang akusado sa P6.4B shabu shipment, susuko sa NBI
Matapos maaresto ang customs broker na si Mark Taguba ay naghayag naman ng pagnanais na sumuko na rin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa pang co-accused ni Taguba sa kasong pagpupuslit ng P6.4 billion na halaga ng shabu sa bansa.
Sa press conference sa ng NBI, tumanggi ang mga opisyal ng anti-organised crime division na pangalanan kung sino ang dalawa na nagpadala na ng kanilang surrender feeler.
Si Taguba na naaresto Miyerkules ng gabi ay iniharap din sa media ng NBI.
Samantala, bumuo na ang NBI ng mga team na tutugis sa pitong iba pang indibidwal na ipinapaaresto ng Manila RTC dahil sa kontrobersyal na P6.4-Billion shabu shipment mula sa China.
Sinabi ni NBI Deputy Director for Investigation Services Vicente de Guzman na may mga grupo na silang naatasan para hagilapin at arestuhin ang pito pang akusado sa importation ng droga na isinampa ng DOJ.
Kabilang sa mga target ng arresting team ang negosyanteng si Kenneth Dong, customs broker na si Teejay Marcellana, Eirene Mae Tatad-may-ari ng EMT Trading, Manny Li, Chen Min, Jhu Ming Juun at Chen Rong Juan.
Nakatakdang dalhin ng NBI si Mark Taguba sa sala ni Judge Estacio-Montesa para sa return of the warrant bilang bahagi o pagsunod sa proseso ng korte.
Nilinaw ng NBI na hindi boluntaryong sumuko si Taguba kundi inaresto ito ng kanilang mga tauhan.
Sa ngayon hihintayin na lang ng NBI ang commitment order mula sa korte kung saan ito ikukulong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.