PCSO GM Balutan, pinagpapaliwanag ukol sa umano’y panunuhol ni Atong Ang
Nais pagpaliwanagin ni Sen. Panfilo Lacson si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan ukol sa sinasabi nitong pagtatangka ni gambling consultant Charlie “Atong” Ang na bigyan siya ng buwanang suhol na P200 milyon.
Ayon kay Balutan, inialok ito sa kaniya ni Ang upang mabigyan siya ng buong kontrol sa operasyon ng Small Town Lottery (STL).
Nagtataka kasi si Lacson na chairman ng Senate Committee on Games and Amusement kung bakit hindi agad ito ibinunyag ni Balutan sa kanilang pagdinig noong January 24 kaugnay ng pagbuo ng Philippine Charity Office.
Ayon pa kay Lacson, ang nabanggit na P200 milyon sa nagdaang pagdinig ay hindi nailarawan bilang bribe money kundi bilang potential daily gross earning mula sa STL operations sa bawat rehiyon na mas mataas pa sa idinedeklarang kita ng mga operators.
Mistula aniyang nagulo na ang kwento tungkol sa nasabing P200 milyon.
Ayon pa kay Balutan, tinanggihan niya ang alok na ito ni Ang.
Sa nagdaang hearing sa Senado, ibinunyag na kayang kumita ng P200 milyon bawat araw ang hindi bababa sa walong rehiyon.
Iminungkahi pa ni Ang sa naturang pagdinig na madaling kikita ang PCSO ng P50 bilyon kada taon mula sa STL kung mamandohan ng gobyerno ang operasyon nito.
Ito’y upang maiwasan rin aniya ang ginagawa ng mga jueteng lords na paggamit sa STL bilang front sa kanilang iligal na sugalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.