Malaysian, arestado matapos mahulihan ng skimming device
Sa kulungan ang bagsak ng isang Malaysian national matapos mahulihan ng skimming device sa Adriatico St, Manila.
Nakilala ang suspek na si Chen Lehom, 34 anyos at 4 na taon ng naninirahan sa bansa.
Ayon kay Frits Gary Deseo, representative ng bangko na tinangkang kuhanan ng pera ng suspek, inalerto raw nila ang kanilang mga gwardya dahil 4 na beses na silang nagkaroon ng ‘unauthorized withdrawals’ noong nakaraang taon.
Nang balikan na ang records at kuha ng CCTV sa labas ng banko, iisang suspek lang ang kanilang nakita na nagwi-withdraw sa ATM gamit ang ‘clone’ cards.
Agad na dinampot ng mga gwardya ng banko ang suspek alas-3:00 ng hapon at itinawag sa MPD Station 5.
Sa inisyal naman na imbestigasyon, nabatid na nakatangay ang suspek ng P6,200 noong October 3 na sinundan pa ng isa pang withdrawal na P20,000 noong November 28.
Aabot naman sa P37,500 ang nakuha ng suspek noong December 5 at ang pinakahuli ay P45,000 noong December 18.
Dahil sa modus, mahaharap ang dayuhan sa paglabag sa RA 8484 o Access devices regulations act of 1998.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.