Mga miyembro ng Balikwas-Kadamay sa Mendiola puwersahan nang pinaalis
Wala nang nagawa pa ang mga miyembro ng Balikwas-Kadamay na nagkampo ng mahigit tatlong buwan sa Mendiola nang puwersahan silang paalisin ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa utos ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Unang nagtungo sa lugar para kausapin ang mga militante si Captain Jimmy De Pedro ng Manila City Security Force.
Ayon sa opisyal, may mga reklamo na kasing nakarating sa tanggapan ni Estrada sa patuloy na pagkakampo sa lugar ng Kadamay.
Partikular na nagpahatid ng kanilang pagkabahala ang Mendiola Consortium na kinabibilangan ng mga administrador ng mga unibersidad, mga pribadong establisyimento at ng mga residente malapit sa lugar.
Wala rin aniyang permiso ang Kadamay na sila ay magkakampo sa lugar.
Katwiran naman ng ilang miyembro ng Kadamay, kaya sila nanatili sa Mendiola dahil sa hindi umano makataong pagpapaalis sa kanila sa Manggahan Floodway sa Pasig City.
Ang nais lamang umano nila ay personal na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte para maiparating ang kanilang mga hinaing.
Pansamantalang dinala ang mga nag-okupa sa lugar na kinabibilangan ng siyam na pamilya sa Manila Reception and Action Center o RAC.
Sinabi naman ni De Pedro na hihilingin niya sa Manila Urban Office na magsagawa ng case study kung maaring ma-qualify sa relocation program sa Maynila ang mga naturang indibiduwal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.