Hepe ng Mandaluyong police na nasibak dahil sa shooting incident, balik sa pwesto
Nagbalik na sa pagiging hepe ng Mandaluyong City Police si Senior Supt. Moises Villaceran Jr. mula pa noong January 26.
Muling namataan si Villaceran sa isang aktibidad sa Mandaluyong City Hall kahapon matapos ang pag-relieve sa kaniya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde.
Ito’y dahil sa pagkakasangkot ng kaniyang mga tauhan sa kontrobersyal at madugong shooting incident sa Mandaluyong City noong Disyembre ng nakaraang taon kung saan dalawa ang nasawi.
Maliban kay Villaceran, ni-relieve din ang sampung tauhan niya na sina PO1 Alfred Uribe, Jave Arellano, Tito Danao, Mark Castillo, Julius Libuen, Bryan Nicolas, Albert Buwag, Kim Rufford Tibunsay, PO2 Nel Lemuel Songalia at kanilang leader na si Senior Insp. Maria Cristina Vasquez.
Siyam sa mga ito ang kinasuhan ng dalawang counts ng homicide at dalawang counts din ng frustrated homicide, habang si Vasquez ay hindi nakasuhan dahil iniimbestigahan pa ng Mandaluyong Prosecutor’s Office ang kaso.
Nakapaglagak naman ng piyansa ang siyam na pulis para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Ayon kay Villaceran, kaya lang naman siya ni-relieve noon ay bilang bahagi ng nakabinbing imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.