Doktor at hospital staff, inaresto matapos higupin ng MRI machine ang isang lalake sa Mumbai
Inaresto na ng mga pulis sa Mumbai, India ang isang doktor at isang tauhan ng Nair Charitable Hospital kaugnay ng nangyaring aksidente sa kanilang MRI machine room.
Matatandaang nasawi ang biktimang si Rajesh Maru, matapos siyang mahigop ng MRI machine sa nasabing ospital nang ipasok niya ang isang metal oxygen tank sa kwarto.
Isa umanong “ward boy” o tauhan ng ospital na nakilalang si Vitthal Chavan ang nagsabi kay Maru na maari niyang ipasok ang oxygen tank sa loob ng MRI room dahil nakapatay naman ang makina.
Nag-alangan pa si Maru at ang bayaw nitong si Harish Solanki dahil batid nilang mapanganib ito, ngunit ipinilit pa rin ito ng empleyadong nakilalang si Vitthal Chavan dahil aniya, araw-araw naman nila itong ginagawa.
Sa pagpasok ni Maru sa loob ng MRI room, nakabukas pala ang makina at agad siyang nahigop nito dahil sa bitbit na oxygen tank.
Nangyari aniya ang insidente dahil sa kapabayaan ng hospital staff na ipinilit na maaring ipasok ang oxygen cylinder sa loob ng MRI room.
Ayon kay Mumbai police spokesman Deepak Deoraj, naaresto na nila ang mga dapat panagutin sa aksidente alinsunod sa Indian penal code na tumutukoy sa “causing death due to negligence.”
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nasawi si Maru dahil sa pagkakalanghap ng liquid oxygen na tumagas mula sa tangke na hinihinalang nasira bunsod ng pagsalpok sa MRI machine.
Gayunman, patuloy pang iniimbestigahan kung ano ang tunay na naging sanhi ng pagkamatay ni Maru.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang bagay na gawa sa bakal sa loob ng MRI o magnetic resonance imaging room dahil maari nitong mahigop ang mga nasabing bagay at magdulot ng matinding disgrasya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.