Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta na may mga grupong ipinakalat para pigilan ang mga kaanak na pumayag ipahukay para ma-autopsy ang mga nasawi nilang anak.
Babala naman ni Acosta sa nasa likod ng nasabing grupo, maituturing na ‘obstruction of justice’ ang kanilang ginagawa.
Mahalaga aniyang malaman ang cause of death ng isang bata na naturukan ng dengvaxia.
“May grupong pumipigil nga sa mga kaanak na ipa-examine ang mga nasawing anak nila. Obstruction of justice po iyang ginagawa nila. Kailangan malaman ang cause of death ng mga bata. Huwag daw magpa-autopsy ‘wag daw papaya, eh cover up yan ah,” sinabi ni Acosta.
Samantala, sinabi ni Acosta na maliban sa Quezon City Medical Center, San Lazaro Hospital sa Maynila at Ospital ng Muntinlupa ay tatanggap na rin ng mga posibleng Dengvaxia victims ang ospital sa Caloocan.
Ang nabanggit na mga pagamutan aniya ay mayroong mga Task Force Dengvaxia kaya ang mga bata na mayroong sintomas ng dengue at naturukan ng Dengvaxia ay maaring magtungo sa nasabing mga ospital.