Umpisa nang muli ang pagpapatupad ng kontrobersyal na Oplan Tokhang ng Philippine National Police ngayong araw.
Gayunman, maraming pagbabago na ipatutupad ang pamunuan ng PNP kung ikukumpara sa kanilang naunang Oplan Tokhang na ipinatupad noon.
Ang mga pagbabagong ito ay nilalaman ng inilabas na Supplemental Guidelines for Oplan Tokhang na nilagdaan ni PNP Chief Ronald Dela Rosa kamakailan.
Sa ilalim ng bagong guidelines, malinaw na nakalatag ang mga maari at hindi maaring gawin ng mga alagad ng batas sa kanilang pagpapatupad ng Tokhang operations.
Layunin nito na matiyak na hindi magiging madugo ang bagong Oplan Tokhang kung ikukumpara noong una itong ipinatupad sa unang taon ng Duterte administration.
Kabilang sa nakalatag sa Supplemental Guidelines ay ang pag-update sa drug watchlist ng PNP na magsisilbing listahan ng mga taong maaring isalang sa Tokhang ng mga pulis.
Sa ilalim ng bagong Tokhang, tanging ang mga beripikadong pangalan lamang na nagmula sa PNP Directorate for Intelligence ang maaring madagdag sa listahan.
Bukod dito, hindi na rin maaring magsagawa ng Oplan Tokhang ang kahit sinong pulis.
Sa bawat presinto, ay magtatalaga lamang ng ilang pulis na pahihintulutang magsagawa ng Tokhang operations.
Sa ilalim pa rin ng guidelines, hindi na maaring magsagawa ng Tokhang sa gabi, at tanging sa umaga at weekdays na lamang ito isasagawa ng mga alagad ng batas.
Kung sakaling magkaroon ng problema o sumablay ang mga pulis sa pagsasagawa ng Tokhang, posibleng matanggal ang mga precinct, station, provincial at maging ang regional commanders ng mga ito sa ilalim ng konsepto ng command responsibility.
Samantala, nangako naman ang Depertment of the Interior and Local Government at ang National Police Commission na masusing babantayan ang pagpapatupad ng bagong Oplan Tokhang.
Ito’y upang matiyak na walang malalabag na harapatang pantao sa pagkakataong ito.