Halos 900 panibagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang naitala ng National Epidemiology Center ng Department of Health sa nakalipas na Nobyembre ng 2017.
Kabuuang 894 na kaso ang nairehistro ng kagawaran kung saan 96 na porsiyento sa mga ito ay pawang mga kalalakihan ang biktima.
Kalahati ng naturang bilang ay may edad 25 hanggang 34, samantalang 32 porsiyento naman ay mula 15 hanggang 24 anyos.
127 sa mga ito ay nadevelop na sa pagiging AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome.
Pinakamaraming bilang ay nagmula sa National Capital Region na may 303 na kaso, sinundan ng Calabarzon na may 164; Central Luzon, 94; Central Visayas,63; at Davao Region, 55 kaso.
Hinimok naman ng DOH ang publiko lalo na ang madalas makipagtalik sa iba’t-ibang kapareha na magpasuri sa pinakamalapit na DOH accredited Hygiene Clinics na matatagpuan sa iba’t-ibang lungsod sa bansa.
Libre umano itong ipinagkakaloob sa lahat na gusto magpasuri.
Kasabay nito ay pinalalahanan din nila ang publiko na palaging gumamit ng condom para makaiwas sa anumang sexually-transmitted diseases at HIV.