Pang. Duterte. posibleng hindi dumalo sa Asia-Europe Summit
Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring hindi siya dumalo sa magaganap na Asia-Europe Summit sa Brussels, Belgium sa Oktubre.
Sinabi ito ng pangulo makaraang makauwi mula sa katatapos lamang na ASEAN-India Commemorative Summit.
Ayon kay Duterte, gagastos lamang siya nang mahal at hindi naman anya mura ang pagpunta sa naturang bansa.
Ngunit kalaunan ay iginiit ng presidente na hindi niya lang talaga gusto ang ugali ng European Union (EU) dahil sa pagpupumilit nitong itanim ang kanilang kaisipan sa bansa.
Binatikos din ni Duterte ang pagiging imperyalista ng European bloc at pagpilitan nitong sundin ng Pilipinas ang kanilang gawi dahil sa pag-aakalang ito ay tama.
Wala anya siyang dahilan upang makinig sa organisasyon.
Hindi anya papayagan ng pangulo na mapakialaman ang bansa ng kahit sino bukod sa mga mamamayan nito.
Matatandaang nitong nakaraang linggo ay inanunsyo ng gobyerno na pormal nang tinanggihan nito ang P382 milyong ayuda mula sa EU.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.