14 katao patay sa pamamaril sa dance club sa Brazil

Photo courtesy of Associated Press

Patay ang 14 na katao matapos tambangan ng armadong kalalakihan ang isang mataong dance club sa Fortaleza, Brazil.

Sa salaysay ng mga saksi sa local media na Globo TV network, lulan ang mga armadong lalaki ng tatlong sasakyan at dumating sa dance club dakong 12:30 ng madaling araw.

Doon na anila nagsimulang magpaputok ang mga ito sa harap ng building na tumagal ng halos kalahating oras.

Ayon kay Ceara State Security Secretariat Andre Costa, anim pa ang naitalang sugatan at isinugod sa mga ospital sa naturang bayan kabilang ang isang 12-anyos na batang lalaki.

Kinumpirma ni Costa ang bilang ng mga nasawi na kinabibilangan ng dalawang menor de edad sa isang pulong balitaan na ginanap sa Forro do Gago club.

Ayon sa mga ulat ng local media, ang umatake sa club ay mga miyembro ng isang criminal gang na bihasa sa drug trafficking.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pag-atake sa alitan sa pagitan ng dalawang drug gangs.

Iginiit naman ni Costa na walang rason para mag-panic at matakot ang mga mamamayan.

Read more...