Sinimulan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang plenary deliberations nito sa panukalang 3.002 Trillion Peso National Budget para sa susunod na taon.
Maagang binuksan kanilang ala-una ng hapon ang sesyon para bigyang daan ang unang araw ng budget discussions sa Plenary Hall ng Batasan Complex.
Si House Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab ang nagbukas nito, sa pamamagitan ng kanyang paglalahad ng sponsorship speech.
Ayon kay Ungab, tiwala siya na sa pagtutulungan ng mga Kongresista, maipapasa nila “on time” ang 2016 General Appropriations Bill, gaya ng kanilang ginawa noong mga nakalipas na taon.
Mismong si Ungab ang nakikipag-debate, habang unang interpellator naman na sumalang si House Minority Leader Ronaldo Zamora.
Present naman ang ilang economic managers ng Malakanyang, gaya nina Budget Secretary Butch Abad at Finance Secretary Cesar Purisima.
Inaasahan na tatagal ng dalawang linggo ang budget deliberations, kaya naman nauna nang nakiusap ang liderato ng Kamara sa mga Kongresista na dumalo at makibahagi sa sesyon.